Ilang taon na rin ang nakalipas at tila baga sinusulong pa rin natin ang tunay na pagbabago. Ano nga ba ang pagbabago na nais natin para sa ating bayan? At ano ang nagiging balakid para ating makamtan ang pagbabago na ating hangad?
Noong ako'y nasa kolehiyo pa lamang, ako ay napabilang sa isang samahang "League of Filipino Student" at "Anak Bayan". Dito isinaad nila sa akin ang kanilang mga pinaglalaban, ang tunay na pagbabago na nais nila para sa ating bansa. Napasama rin ako sa paglalakad papuntang Mendiola, may mga dalang plakard at sumisigaw ng aming mga pinaglalaban. Napagtantotanto ko na ilang taon na rin ang nakalipas at lahat ng mga naupong lider sa ating bansa ay nakaranas ng kilos protesta.
Sinasabi natin kapag eleksiyon na ang taong tumatakbo sa isang posisyon ay ang susi ng pagbabago. Ngunit makalipas lamang ang ilang buwan, ay parang isinusuka na natin ang ating mga halal na lider ng bansa. Halos umuulan ng pambabatikos at mga kilos protesta ang makikita natin sa mga telebisyon at kalsada.
Ang bawat isa ay naghahangad ng pagbabago at ito ay atin lamang makakamtan kung tayo bilang sambayanan ay may pagkakaisa. Ang pagbabago ay kailangang umpisahan sa ating mga sarili at sa ating tahanan. Hindi mo mababago ang isang bayan o bansa kung wala tayong gagawin upang makamtan ang pagbabago na nais natin. Hingin din natin ang patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, ito ang pinakamabisang sandata natin upang tayo ay magtagumpay sa ating mga minimithi para sa ating inang bayan. Nakita na natin sa People Power ang kapangyarihan ng sama-samang pagdarasal at ito ay nakita nating epektibo upang makamtan ang tagumpay na minithi natin noon. Huwag tayong umasa sa ating sariling kakayahan at talino na mabago ang ating mga sarili at ang ating bayan. Maaring ito'y maging epektibo sa panandalian lamang ngunit di ito magtatagal at tayo ay babalik sa pagkalugmok.
Nawa ang diwa ng pagkakaisa at sama samang pagdarasal ay mabuhay sa ating mga sarili, sa ating mga tahanan at sa ating bansa. Ipagdasal natin ang ating mga lider pulitikal at lider pangsimbahan na tayo ay maakay sa tunay na liwanag ng buhay. At tayo bilang bahagi ng bansa at simbahan ay makakitaan ng magandang ehemplo upang maakay ang ating mga kapwa sa tunay na pagbabago na nais nating lahat. Sa ganitong paraan ay maipapakita natin ang ating pagmamahal sa bayan at pagmamahal sa Diyos.
"Ang pag-ibig ang siyang pupukaw sa ating mga pusong uhaw sa pagbabago."


No comments:
Post a Comment