Ang bawat isa sa atin ay may pasaning krus sa ating araw- araw na pamumuhay. Ito ang mga problemang ating kinakaharap sa ating buhay. Mayroong mga krus na sadyang kay bigat at me mga krus naman na sadyang kay gaang pasanin. Ano nga ba ang nagpapabigat sa krus na ating dinadala sa ating buhay? At sa papaanong paraan nga ba natin ito dapat pasanin.
Samahan ninyo ako sa aking unang paksang tatalakayin upang makita natin ang iba't ibang litrato ng buhay at makita ang tunay na liwanag ng buhay
Kung minsan, tayo ay nagiging reklamador sa mga pangyayari sa ating buhay. Kadalasang sinasabi natin ay para di ko na kayang harapin ang problema. Kaagad- agad tayong sumusuko at nawawalan ng pag-asa. Inaakala nating ang mundo ay di sumasang-ayon sa iyo. Inaakala natin na puro hirap na lang ang ating nadarama sa buhay.
Ano nga ba ang nagpapabigat sa krus na ating bitbit sa ating buhay? Ito ay ang ating mga kasalanan. Ang kadalasang nagpapabigat sa ating mga krus ay ang ating pagiging mapagmataas, pagkaiingit, pagkagalit o pagkapoot, pagkagahaman, at ang di pagiging kuntento kung ano ang meron tayo. Ang mga katangiang ito ang siyang nagsisilbing pabigat sa ating mga krus sa buhay.
Ngunit kung ating susuriin tayo pa rin ay napapabilang sa tinatawag ni Hesus na mapapalad. Kailangan lang nating maging matibay sa pagsuong sa ating mga pasang krus sa ating buhay at kailangan nating manalig sa kanya. Walang binibigay na problema ang Diyos sa atin na hindi natin kayang resolbahin. Alam Niya ang ating kapasidad ng ating buhay. Alam Niya ang ating kalakasan at kahinaan.
Kung tutuusin wala pa sa kalingkingan ang ating pasang krus, kung ikukumpara natin sa pagpasan ni Kristo sa krus ng sanlibutan. Bitbit ni Kristo ang mga kasalanan ng buong sanlibutan. At sa tuwing tayo ay nagkakasala ay mas lalo nating pinabibigat ang Krus na Kanyang dalahin. Ating nakamit ang kaligtasan sa pagbitbit ni Kristo sa Krus at sa kanyang pagkapako sa krus.
Ito rin naman ang nais ni Kristo na ating gawin sa ating buhay, bitbitin ang Krus at umasa sa dakilang regalo na Kanyang igagawad na Kaligtasan. Kailangan lang nating magtiyaga, pasanin ng buong loob at buong puso ang krus ng ating buhay.


No comments:
Post a Comment