Search This Blog

Saturday, February 19, 2011

Pag-ibig- ilaw na siyang tatanglaw sa bawat isa

Kakatapos lamang ng araw ng mga puso. Kahit saang panig ka man ng mundo naroroon ay nakita natin kung paano ito ipinagdiriwang ng bawat isa sa atin. Nakita natin sa mga balita an pagtaas ng presyo ng mga bulaklak sa Dangwa ngunit sa kabila nito ay mabenta pa rin ang mga ito bilang pangregalo sa ating mga iniirog. Kinuwento pa nga sa akin ng aking kaibigan na kahit saang restaurant ka magpunta ay puno ng mga tao mapa munting eatery, fastfood, casual dine in, at fine dine-in restaurant. Maski ang mga silid ng mga hotels ay puno rin ng mga nagmamahalan.


Sino nga ba ang makakapagsabi na naghihirap na ang Pilipinas kung ang nakikita naman natin ay kabaligtaran tuwing sasapit ang araw ng mga puso? Gumasgastos tayo upang sariwain ang araw ng mga puso. Kilala nga talaga ang mga pinoy pagdating sa pag-ibig. Sinasabi pa nga ng ibang mga dayuhan na masarap magmahal ang isang pinoy- mapagkalinga, mapagmahal, matiisin, at matiyaga.

Masasabi ko kung araw-araw ay ginagawa natin ang pagdiriwang ng araw ng mga puso, marahil ay walang away, walang gulo, walang krimen, at mas lalo pang mapapatibay ang pagsasamahan ng isang pamilya. Tunay nga na kay sayang makita na ang bawat isa ay nagmamahalan at mayroong pag-uunawaan.

Ngunit ang pag-ibig na tulad ng mga ito ay isang parte lamang ng ating buhay. Hindi dito natatapos ang istorya ng pag-ibig sa ating mga buhay. Sapagkat sa kabila ng pagmamahal natin sa ating pamilya ay mayroon isang parte ng buhay natin na dapat nating bigyang pansin at ito ay ang ating mga nakakasamaan ng loob.

Mayroong mga nagsasabi na kapag daw sila ay may nakaaway o nakasamaan ng loob ay parang bumibigat ang kanilang mga pakiramdam. Mayroon din namang iba na halos isumpa natin ang ating mga kaaway at para bang wala na tayong pakialam sa kanila.

Itong nakaraang araw ay ating natunghayan sa Ebanghelyo ni San Marcos ang patungkol sa pagbitbit sa ating sariling mga krus ng buhay. Isang dahilan kung bakit bumibigat ang ating mga dalang krus ay ang pagkamuhi natin sa ating mga kaaway, ang pagkakaroon ng sama ng loob sa isa't isa. Naririyan rin naman ang dahilang pagkapoot, pagkagalit, pagkaiingit sa ating mga nakakasamaan ng loob.

Ngayong linggong ito ay nais iparating ni Hesus na kailangan din nating ibigin ang ating mga kaaway. Sinasabi nga sa  isang linya ng Ebanghelyo na" Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo". Para bang kay hirap tupdin ang linyang ito sa kadahilanang namulat tayo sa mga katagang "mata sa mata, ngipin sa ngipin" at buhay ang kinuha kung kaya't buhay din ang kabayaran". Ito ang katotohanang nangyayari ngayon sa ating lipunan, kung kaya nga marami ang namamatay sa away magkaibigan, away pamilya at kung ano-ano pang klaseng gulo.



Minsan tila baga nawawalan na tayo ng pag-asa sa isang tao na nakasamaan natin ng loob sa kadahilanang pinapairal natin ang ating mga pride. Sinasabi pa nga natin madalas na hindi na magbabago yang taong yan. Ngunit walang imposible sa Diyos kaya niyang baguhin ang bawat isa ngunit kung tayo ang pipilit magbago ng isang tao ay sadya tayong mahihirapan kung kaya nga winika ni Hesus na ipanalangin natin sila. Ipanalangin natin na sila ay mabago at makita ang tunay na liwanag.

Mahalin natin ang bawat isa ng ating buong puso at may pagpakumbabaan. Ito ang nais ni Kristo para sa ating lahat na manaig ang pag-ibig sa bawat isa na siyang magsilbing ilaw at asin ng sanlibutan. Ating tupdin ang Kanyang dakilang utos: (1) Ibigin mo ang Diyos ng higit sa lahat; at (2) Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.

Pag-ibig..Pag-ibig..Pag-ibig, nawa'y maghari ito sa ating mga puso. Ating hilingin sa Dakilang lumikha na maalis ang ating galit, pagkapoot, pagkaiingit, pagkaganid, pagkamataas sa ating mga puso at dalisayain ito ng kanyang  Dakilang pag-ibig. Walang imposible sa Diyos kung tayo lamang ay mananalig sa Kaniya sapagkat Siya ang Diyos ng Pag-ibig.

No comments:

Post a Comment