Ika 10 ng Hulyo, 2011: Gabay sa Banal na Aklat
Unang Pagbasa: Isa 55: 10-11
Salmo: Awit 65: 9-13
Ikalawang Pagbasa: Ro 8: 18-23
Mabuting Balita: Mt 13: 1-23
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat.
Ang ulan ay maituturing na isang magandang biyaya at maituturing din namang isang mapaminsalang biyaya. Maituturing natin itong magandang biyaya sapagkat ito ay nakatutulong para sa mga magsasaka upang madiligan ang kanilang pananim at maalagaan ng tubig ang lupang kanilang tinataniman ng pananim. Sinasabi rin naman ng ilan na nakakatipid sila kapag umuuulan sapagkat ito ang ginagamit nila panglinis ng bahay, kung minsan ay pampaligo, pandilig sa halaman, at panlinis ng sasakyan. Ngunit para sa ilan kapag binabaha na ang kanilang bayan, ito ay isa ng mapaminsalang bagay. Halos isumpa nila ang ulan.
Ngunit sino nga ba ang dapat sisihin sa bahang ating kinakaharap. Matagal na itong suliranin ng ating lipunan at tila bagang walang solusyon na umakma. Hindi ba tayo rin dapat ang sisihin, sapagkat tayo ay di sumusunod sa batas. Marami ng mga poster sa tabing ilog na nagsasabi na huwag magtapon ng basura, ngunit sa kabila nito patuloy pa rin tayong nagtatapon ng basura sa mga ilog. Nagkaroon ng kampanya ang gobyeno laban sa illegal logging, ngunit sa kabila nito mayroon pa ring mga tao na patuloy na pumuputol ng mga punong kahoy sa kabundukan.
Ang mga sitwasyong ito ay kaugnay rin ng talinghaga ng manghahasik. Narining natin na tinanong ng mga alagad kung bakit dinadaan sa talinghaga ang mensahe ni Hesus. At winika naman ni Hesus: "Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinhaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man."
Sa kabila ng mga babala at sa kabila ng mga batas pilit tayong nagbubulagbulagan at pilit tayong nagbibingihan. Alam natin kung ano ang tama at mali. Alam natin na kapag nagtapon tayo ng basura sa mga ilog, ito ay magiging sanhi ng pagbaha at kapag kinalbo naman natin ang kabundukan, dala nito ang landslide at flash flood.
Sa ating espiritwall na pamumuhay, nakilala na natin si Kristo. Nakarinig na tayo ng kanyang mga katuruan. Ngunit sa kabila nito ay pilit nating inilalayo ang ating sarili sa Diyos. Pilit tayong kumakawala sa kanyang kawan kung kaya nga ang iba sa atin ay nahulog sa batuhan at di lumago sa ating pananampalataya, ang iba naman sa atin ay nahulog sa damuhan, kung saan tayo ay nagpadaig sa makamundong bagay. Mapapalad naman ang mga taong kumapit sa Diyos sapagkat sila ay nahulog sa mabuting lupa. Ang mabuting lupa na inilaan ng Diyos para sa bawat isa.
Sa ating unang pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isias, napakinggan natin na ang ulan ay sagisag rin ng biyayang galing sa langit, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga ng kabutihan, kagalingan, at bunga sa lupang ibabaw.
Sagisag ito ng Salita ng Diyos, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga nang marami.
Sa ating pakikinig at pagsasabuhay ng Salita na Diyos, tayo ay nagiging kaisa sa misyon ni Kristo na ihasik ang kabutihan na dulot ng Kanyang Salita. Mabisa ang ulan. Nagbubunga ng buhay… at lalung mabisa ang Salita ng Diyos … nagbubunga ng panibagong buhay sa mga nakaririnig nito at pinagyayaman ito.
Nawa ang binhi ng kabutihan ay maghari sa puso ng bawat isa. Tayo bilang tinawag na alagad ng Diyos ay maging instrumento ng pagpapahayag ng katotohanan at kabutihan. Nawa ang biyayang kaloob sa atin ng Poong Maykapal ay maibahagi rin natin sa ating kapwa ng sa gayo'y sila rin ay mamunga ng masagana sa kanilang mga buhay.
Amen.
No comments:
Post a Comment