Kilala tayong mga pinoy sa pagkakaroon ng pagmamalasakit sa ating kapwa. Isa itong katangin na maipagmamalaki natin noon. Ngunit tila naglaho ang pagmamalasakit natin sa kapwa. Madalas kong marinig sa aking mga kaibigan, “Bahala ka na, matanda ka na at me sariling isip”. Para bagang nawala ang diwa ng pakikipagkapwa, tila baga nanahimik na lamang tayo sa mga pangyayari sa ating paligid. Sadya nga bang tayo ay wala ng pakialam sa mga tao sa ating paligid. Nakakalungkot isipin ang mga ganitong sitwasyon na nagwawalang bahala tayo.
Ang bawat isa sa atin ay may pananagutan sa ating kapwa, hindi lamang sa ating pamilya, kamag-anak, kaibigan, katrabaho kundi maging sa ating mga nakasamaan ng loob. Mayroong mahalagang gampanin ang bawat isa sa atin na dapat nating tupdin at iyon ay ang ipamalas at ibahagi ang pag-ibig, pagpapatawad, at pagmamalasakit sa ating kapwa.
Kung ating babalikan ang kasaysayan ng paglikha, nilikha ng Diyos ang mga bagay-bagay na nakikita natin sa ating kapaligiran tulad ng lupa, tubig, himpapawid, araw, hayop at mga halaman. At sa kahulihulihan ay nilikha Niya ang tao upang maging tagapangalaga ng Kanyang mga nilikha. Ito ang tungkulin natin dito sa lupang ibabaw, ang alagaan ang mga nilikha ng Diyos para sa atin.
Sa unang pagbasa ay matutunghayan natin ang kuwento ni Exequiel, ang taong naatasan upang maging tagapagbantay at tagapagbigay babala at maging gabay ng mga Israelita. Isang napakahalagang gampanin at tungkulin ang iniatang sa kanya ng Diyos kung saan inihabilin sa kanya ang buong bayan ng Israel upang iparating ang mensahe ng Diyos para sa mga Israelita. At kapag ito ay hindi niya ginawa, siya ay may pananagutan sa Diyos.
Sa ating personal na buhay, tayo ang bagong Exequiel ng mundong ito, tayo ay naatasan upang maging bantay ng sansinukob. Ikaw at ako ay may pananagutan sa ating kapwa. Naalala ko tuloy ang payo ng aking spiritual adviser sa aming parokya, sabi niya sa akin “Kaming mga adviser ay narito upang kayo ay gabayan, maari niyo kaming di sundin sapagkat kayo ay may mga desisyon na dapat panindigan gayunpaman ay narito kami upang tulungan kayong makapeg desisyon at magbigay mungkahi sa mga gawain at gampanin ninyo bilang isang lider kabataan”. Isa ito sa halimbawa kung paano natin gagampanan ang ating tungkulin sa pakikipagkapwa.
Ang ating simbahang Katoliko ang siyang nagsisilbing bantay-gabay sa bawat isa sa atin. Pilit niyang ipinaglalaban ang katotohanan at ang makakabuti sa karamihan. Ang simbahan ay naninindigan sa Kabutihan at Katotohanan ngunit samo’t saring pambabatikos ang kanilang natatanggap buhat sa mga tao. Gayunpaman sa kabila ng pambabatikos, an gating simbahan ay nananatiling matatag at itinutuloy ang kanilang misyon dito sa lupang ibabaw.
Sa ating ikalawang pagbasa na hango sa liham ni San Pablo sa mga taga- Roma, binibigyang diin dito ang patungkol sa pag-ibig. Kalakip ng pananagutan ang ipadama ang pag-ibig natin sa ating kapwa. Hindi natin masasabi na tayo ay nakikipagkapwa kung walang kalakip na pag-ibig. Ang pag-ibig ay napakahalaga upang ating magampanan an gating pakikipagkapwa. Ang sampung utos ng Diyos ay nauuwing lahat sa dalawang utos at ito ay ang “Ibigin mo ang Diyos at Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili."
Sa totoo lang, madali itong sabihin na mahalin mo ang iyong kapwa. Bukang bibig na natin ang mahal kita, I love you..…Ngunit ito nga ba ay naipadarama natin ng tunay o bukang bibig na lamang?
Mahirap mahalin ang nagpapahirap sa ating buhay. Mahirap patawarin ang mga tao na nagkakasala sa atin. Kung minsan pa nga ay sinasabi natin na walang kapatawaran ang ginawa ng taong iyan. Mahirap ngumiti kapag ikaw ay niyayapakan o niyuyurakan kahit wala kang ginawang masama. Ngunit sino ba tayo para hindi magpatawad? Kung ang Diyos ay isinugo ang Kanyang Anak upang maging tao at makasalamuha ng tao at pinasan ang Krus at ipinako sa Krus at namatay upang tubusin ang kasalanan ng sanlibutan ay nasambit ang katagang pagpapatawad. Sino ba tayo para di magpatawad? Kung si Kristo na siyang walang sala ay nagpapatawad, ano pa kaya tayong taong makasalanan? Naranasan ba natin ang naranasan ni Kristo sa kalbaryo? Kapatid, wala pa sa kalingkingan ang ating nararanasan kung makikita mo ang mukha ni Kristo na habang pasan ang Krus ay tumatagaktak ang Kanyang pawis at dugo. Kung ikaw ay nandodoon sa kalbaryo ni Kristo, di mo nanaisin na makita ang nanlulumo niyang mukha at nanghihinang mga tuhod. Hindi mo rin nanaisin na marinig ang daing ni Kristo habang Siya ay ipinapako sa Krus sa kasalanang hindi naman Niya ginawa.
Mapalad tayo mga kapatid, dahil dumating si Kristo sa ating buhay at ipinadama ang dakila at wagas na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig na masusumpungan lamang natin sa piling ng Diyos.
Tignan natin ang buhay ng mga pulitiko sa kasalukuyan, sa kanilang pagkapanalo ay humaharap sila sa taong bayan upang magpasalamat at nagbibigay ng mga pangakong sadyang napapako. Sinasabi nila na sila ay lingkod bayan na laging maasahan. Ngunit nakita natin kung ano ang tunay na nangyayari na kung saan ay matapos manalo ay halos di mo na makita sa inyong bayan. Lagi na lang nangingibang bansa o pumupunta sa ibang lugar at sinasabing business trip. Dito makikita natin na sila ay di tunay na lingkod kundi isang bulaang lingkod na ang tanging iniisip na lamang ay ang sarili nilang kapakanan at hindi kapakanan ng karamihan. Ang mga pulitiko ay nagiging makasarili at imbis na pag-isahin ang bayan ay sila pa ang nagiging sanhi ng pagkakahatihati nito.
Iwaksi natin ang pagkamakasarili, huwag tayong gumaya sa mga bulaang lingkod-bayan. Magkaroon tayo ng pananagutan sa ating kapwa. Magbigay liwanag tayo sa buhay ng bawat isa sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Ebanghelyo at pagsunod sa turo ng Simbahan. Dahil ang Simbahang Katoliko ay ang tunay na Simbahan na itinatag ni Kristo na naglalayong pagkaisa-isahin ang lahat ng bagay ditto sa lupa at sa langit.
Ipanalangin natin sa Diyos na tayo ay maging isang Exequiel at San Pablo na nagpamalas ng kanilang pakikipagkapwa at naghahatid ng tunay na pag-ibig at pagpapatawad sa bayan.
Huwag tayong umasa sa sarili nating kakayanan at talino sa pagtupad natin bilang tagapagbantay at isang taong may pakialam bagkus ay hilingin natin sa Panginoon ang grasya ng pag-ibig at pagpapatawad upang ating mabalikat ang ating gampanin sa ating kapwa at sa ating sarili.
No comments:
Post a Comment